Dito ko nalang sasabihin kung gaano kahirap para sa akin ang makita ka bawat araw at hindi ka yakapin sa sobrang galak ko na nasa harap kita. Dito ko nalang din sasabihin ang lahat ng pagpapasalamat ko sayo sa mga araw ko na kinumpleto mo dahil lang sa isang ngiti, tawa, halakhak o simpleng sulyap. Sasabihin ko nadin dito kung gaano mo pinunan at patuloy na pinupunan ang napakalaking pagkukulang sa buhay ko na matagal-tagal ko na ring iniinda. Isasama ko na rin pala dito ang paghingi ng tawad dahil pakiramdam ko niloloko kita sa bawat araw na hindi ko piniling sabihin sayo ang lahat nang sinasabi ko dito. Sasabihin ko na rin dito na sa hinaba-haba ng panahon na napalungkot ko, nagawa ko lang muling ngumiti at tumawa nang tunay sa mga pagkakataong magkasama tayo.
Pero bago ang lahat nang panghuhusga ng mga taong hindi naman mababasa ito, gusto ko nang sabihin ngayon ang tumatakbo sa isip ko, bukod ikaw.
Matagal-tagal ko ring pinag-iisipan kung ano ang dapat na gawin kong hakbang sa nararamdaman ko para sa'yo. Sa katunayan, hindi pa rin ako sigurado hanggang sa ngayon. Ang masasabi ko lang na sigurado akong totoo ay gusto kita. Gusto ko ang swak sa timing na pagdating mo sa buhay ko. Gusto ko ang bawat pagkakataon na magkausap tayo, kahit na madalas na tayo lang ang nakakaintindi sa atin. Humahanga ako sa tatag ng loob mo. Gusto ko ang mga bagay na nagpapasaya sayo dahil yun lang naman talaga ang nagpapasaya sa akin ngayon, ang makita kang masaya sa kabila ng mga pinagdadaanan mo. Sobra akong humahanga sa kabutihan mo at busilak na puso. Gusto ko ang pagiging maalaga mo at sensitibo. Napakaraming bagay ang gusto ko sa pagkatao mo.
Gusto kita. At sa bawat araw na nakikita kita, magkahalong saya at sakit ang nararamdaman ko. Saya, dahil alam kong ano man ang mangyari sa araw ko, gaano man ito kabigat, nandyan ka para makinig sa akin matapos ang lahat nang yun. Sakit, dahil alam kong hanggag dun lang ang aabutin ng relasyon na ito.
Gusto kita. At dahil dun, pipiliin kong dito nalang yun sabihin. Dahil gaano man kita kagusto, mas hindi ko kakayanin ang mawala ka sa buhay ko sa kadahilanang hindi ko napigilan ang sarili kong gustuhin ka. Mas mahalaga ang kung ano mang meron tayo ngayon sa nararamdaman ko. Pero gusto kita. Oo, ikaw.
