sunrise

sunrise

Sunday, March 3, 2013

Walang katapusang simula...

(Lahat nang nakapaloob sa sanaysay na ito ay pawang mga hinugot sa aking sariling mga karanasan. Kung hindi man kayo sumang-ayon, nirerespeto ko kayo.)

Isa daw sa pinakamasarap na pakiramdam sa mundo ang magmahal. Totoo. Pero para sa akin, mas masarap siguro ang mahalin. Selfish pakinggan pero, iilang tao na lamang ba ang wagas magmahal? Yung tipong, sinaktan mo na, siya pa ang hahabol sayo. Sinampal mo na, siya pa ang magsosorry. At kahait na pauli-ulitin ang sakit, makakaya niyang magpatawad nang magpatawad. Iilan na nga lang ba ang taong ganun? Meron pa ba? Siguro. Konti. At sa konting taong yun, NABIBILANG AKO.

Ako si Gelly, lesbiyana ako. At oo, wagas ako magmahal, pero HINDI ako martyr. Sa lahat ng relasyong pinagdaanan ko, nasaktan ako. Pero, ganun daw ang buhay diba? Masasabi mo lang na totoo ang nararamdaman mo kapag nasaktan ka na. Wala naman kasing formula para maiwasan mong masaktan ka. Sa lahat ng pagkakataon, gumagawa ka ng desisyon at umaasang di ka masasaktan o maagrabyado. Pero hindi mo pa rin hawak ang takbo ng pagkakataon. Minsan, masasaktan ka sa hindi mo inaasahang panahon. Minsan naman, kahit alam mong nagbabadya nang dumating ang sakit, ganun pa rin kasakit ang impact kapag tumama.

Ano nga ba tamang level ng pagmamahal? May level nga ba talagang maituturing? Bakit kailangan masaktan para mapatunayang nagmahal ka? Minsan tuloy, natatakot ang iba sa atin na magmahal. Iniisip kasi natin na malaki ang isinusugal natin kapag nagmamahal tayo ng totoo. Pero teka, kung talagng sugal na maituturing ito, hindi lang siguro ako bankrupt, baon pa ako sa utang.Kung sugal pala ito, edi sana may choice ang mga nagmamahal na pumusta o hindi. Pero masasabi mo ba talagang totoong pagmamahal yun kung pinag-isipan mo kung pupusta ka o hindi? Hindi naman di ba? Dahil sa oras na maramdaman mong nagmamahal ka, hindi mo lang alam, pero pumusta ka na. 

Sa paulit-ulit na pagkakataong nasasaktan ang iba sa atin, may karapatan ba tayong manisi? Depende. Pero hindi depende sa kung gaano kalaki ang naging kasalanan sa atin ng taong mahal natin, ngunit  depende sa kung anong klaseng tao tayo. Iniisip ng iba, basta nasaktan ka at naagrabyado, may karapatan kang manisi, pero nawawala ba ang sakit kapag nanisi tayo? Hindi naman diba? Minsan, mas masasaktan ka pa nga dahil kapag pinili mong sisihin ang taong mahal mo sa nagawa niya, hindi siya nakakaramdam ng pagsisisi dito. 

May mga bagay naman talagang mahirap tanggapin. At kasama na dun ang kapag tayo ay nasaktan, naagrabyado at naloko. Pero sa kabila nun, pinipili pa rin natin magmahal. Bakit? Kasi kahit gaano kasakit, katraumatic at kabigat ang nararamdaman natin, kaya pa rin natin magmahal. Hindi naman mawawala yon. Hindi natin pwede sabihing ayaw na natin magmahal o hindi na natin kaya magmahal oras na nasaktan tayo. Wala naman yang switchkung saan pwede mo i-off. Hindi naman traffic na pwede mong iwasan. Kung may darating at mararamdaman mo ulit yon, wala kang magagawa. Isa lang naman sa dalawang bagay ang maaari mong gawin, iparamdam na mahal mo ang taong yun, o itago ang nararamdaman mo. At para sa akin, walang masama sa dalawa. Isa yan sa mga bagay na mahirap pagdesisyunan at dapat panindigan. 

Nabanggit ko kanina na na mas masarap ang mahalin kaysa magmahal. Ito ay dahil sa ilang taon na nagmamahal ako, paulit-ulit akong nasasaktan. Sa katunayan nga niyan, hindi ko pa naramdaman na mahalin ng wagas.Pero kahit sa tingin kong higit na mas masaya ang mahalin, mas gugustuhin ko pa rin magmahal nang magmahal nang paulit-ulit. Masaktan man din ako nang paulit-ulit. Dahil sa bawat beses na nagmamahal at nasasaktan ako, natututo ako at mas nagiging mabuting tao.

Kaya ikaw, kung sino ka mang susunod na mamahalin ko, ikaw man ay taong nasa buhay ko na ngayon o hindi ka pa dumarating, asahan mong mamahalin kita at aalagaan sa paraang alam ko - wagas. Masaktan mo man ako, maraming salamat, dahil ginawa mo akong mas matibay.

Di ko na siguro mabibilang kung ilang beses na akong nasatan. Pero sa kabila ng lahat ng yun, gusto kong malaman niyo na hindi ako takot magmahal ulit. At dapat kayo din. :)

No comments:

Post a Comment